P29M ipinagkaloob ni Pangulong Duterte sa poultry farmers na naapektuhan ng bird flu

Inquirer Photo | Phillip Tubeza

Ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong pinansyal sa mga poultry farmer na naapektuhan ng avian flu sa San Luis, Pampanga at sa Jaen at San Isidro sa Nueva Ecija.

Isinagawa ang pagkakaloob ng grant sa San Fernando City, Pampanga, matapos na dumeretso doon ang pangulo mula sa pagdalo sa selebrasyon ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani.

Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat ang pangulo sa mabilis na aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Ang halaga na P29 na milyon ay paunang tulong pa lamang at bahagi ng kabuuang P43.31 million na ipagkakaloob ng Department of Agriculture sa lahat ng apektadong poultry farmers.

Habang ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ay maglalaan din ng P20 million sa Rural Bank of San Luis bilang no-collateral at no-interest loans sa mga farm workers.

Ilang beses pang naantala ang talumpati ni Pangulong Duterte dahil sa pag-ubo nito.

Ayon sa pangulo, naubo siya dahil sa ibinigay sa kaniyang bulaklak bilang bahagi ng pagsalubong sa kaniya.

Nagbiro pa ang pangulo na kapag siya ay namatay, huwag siyang bibigyan ng bulaklak sa burol dahil baka siya maubo.

Matapos ang talumpati, sabay-sabay na kumain ng balut, chicken barbeque at fried duck sina Pangulong Duterte, Piñol, Congw. Gloria Arroyo, Health Sec Paulyn Ubial, Pampanga Gov. Lilia Pineda at Nueva Ecija Gov. Czarina Umali.

 

 

 

 

 

Read more...