Sa gitna ng sunud-sunod na kaso ng pamamaril ng riding in tandem, nagpasa ng ordinansa sa Dasmariñas, Cavite na magpapatupad ng “no helmet policy”.
Ito ay bunsod ng dumaraming bilang ng kaso ng pamamaril at ang mga suspek ay pawang sakay ng motorsiklo.
Maliban sa “no helmet” policy, sinabi ng lokal na pamahalaan na magpatupad ng speed limit para sa mga motorsiklo at magpapatupad din ng mas mahigpit na inspeksyon.
Sa ilalim ng city council resolution number 153-s-2-17, 20 to 40 kilometers per hour na lang ang pwedeng bilis ng andar sa mga lansangan sa lungsod.
Hindi naman sakop ng no helmet policy at speed limit ang Aguinaldo Highway, Governor’s Drive at Paliparan-Salawag-Molino road.
Ayon kay Dasmariñas City Mayor Elpidio Barzaga, limang magkakahiwalay na insidente ang sunud-sunod na naganap mula noong August 21 at pawang motorcycle riders ang sangkot.
Ani Barzaga, alam naman nilang may umiiral na national law tungkol sa pagsusuot ng helmet kapag nakamotorsiklo. Pero ang ordinansa aniya ay paiiralin lang naman sa mga lansangan sa lungsod na ang maximum allowable speed ay hanggang 40 kph lamang.