Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nag-anunsyo ng pagtatalaga kay Espenido sa Iloilo City sa kaniyang speech sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani.
Una nang napasama ang alkalde ng Iloilo City na si Jed Patrick Mabilog sa listahan ng mga narco-politicians na hawak ng pangulo.
Habang si Espenido, ay nakilala sa mga inilunsad nitong war on drugs sa mga lugar kung saan naitalaga bilang chief of police.
Sa kasagsagan ng kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na na noong ma-assign sa Leyte si Espenido ay namatay si Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr,, at noong na-assign ang pulis sa Ozamiz City, ay nasawi din ang mayor doon na si Reynaldo Parojinog.
Kaya tanong ni Duterte kay Espenido, ngayong nais ng chief inspector na ma-assign sa Iloilo City, “mabubuhay kaya si Mabilog?”.
“You asked for the assignment sa Leyte, namatay ang mayor doon. You asked for another assignment sa Ozamiz, namatay ang mayor doon. Ngayon gusto mo sa Iloilo kasi si Mabilog is identified as ‘protector’ mabuhay kaya siya?,” tanong ni Duterte kay Espenido.
Matapos ito ay inanusyo ng pangulo na itinatalaga na niya sa Iloilo City si Espenido bilang chief of police doon.
Pinayuhan din ng pangulo si Espenido na sundin lang ang ‘rules of engagement’ sa pagsugpo sa illegal drugs.
Kung ang gagawin lang aniya ni Espenido at mga tauhan nito ay pawang pabor para sa bansa, susuportahan sila ng pangulo.