Inilikas ng emergency crews ang hindi bababa sa 1,000 katao sa ilang mga bahay at sasakyan sa Houston, Texas matapos ang pagragasa ng baha dulot ng Hurricane Harvey.
Inabisuhan ang ilang residente na umakyat sa bubong ng kanilang mga bahay dahil sa bilis ng pagtaas ng tubig.
Hinikayat din ng mga otoridad ang mga residente na huwag umalis sa kani-kanilang bahay dahil lubog sa tubig ang halos kabuuan ng mga lansangan sa siyudad.
Dalawa na ang naitatalang patay dahil sa paghagupit ng bagyo at inaasahan pang tataas ang death toll dahil ilang araw pang babayuhin nito ang US state.
Ayon sa National Weather Service, ang rainfall amount na ibinuhos ni Harvey ay umabot na sa 50 inches sa ilang lugar – ang pinakamataas sa kasaysayan na naitala sa Texas.
Hinahagupit ni Harvey ang Texas mula Biyernes na nagsimula bilang Category 4 Hurricane at may lakas ng hanging aabot sa 130 miles per hour.
Ito ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Texas mula 1961.