Alta presyon, ikinamatay ni Cayamora Maute

Mataas na presyon ng dugo ang isa sa mga itinuturong dahilan ng pagkamatay ng ama ng mag lider ng Maute terror group na si Cayamora Maute.

Sa inilabas na pahayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos ang pagpanaw ni Maute, ipinaliwanag nila ang naging kondisyon ng kalusugan nito.

Ayon kay BJMP spokesperson Senior Insp. Xavier Solda, bago siya dalhin sa ospital ay sinabi ng nurse na sumobra ang taas ng presyon ni Maute.

Anila, isinugod pa sa Taguig Pateros Hospital si Cayamora pasado alas-3:00 ng hapon ng Linggo, ngunit idineklara na siyang dead on arrival ng doktor.

Bago ito, dumaing na ng pagkahirap sa paghinga at panghihina ng katawan si Maute alas-4:30 pa lang ng madaling araw, kaya tinutukan siya ng jail nurse at sinimulang bigyan ng antibiotics dakong 10:20 ng umaga.

Gayunman, muling nagreklamo ito ng pagiging hirap sa paghinga dakong 12:30 ng tanghali kaya isinailalim na siya sa nebulization at sinuportahan na ng oxygen.

Ayon sa BJMP, nang dalhin si Cayamora sa Camp Bagong Diwa noong June 8, lumabas sa kaniyang medical examination na mayroon siyang hypertension, diabetes, pneumonia at viral hepatitis.

Noong nakaraang August 9 naman ay dumaing ito ng panghihina ng katawan at pagka-manas kaya isinailalim siya sa gamutan sa loob ng isang linggo hanggang sa makabawi ito ng lakas at umayos ang lagay.

Gayunman pagsapit ng August 13, na-diagnose siya ng hypertension type 2, diabetes type 2 uncontrolled, gastroenteritis at ascites.

Ibinalik pa sa BJMP Jail Complex ang bangkay ng 64-anyos na si Cayamora para sa sandalng viewing ng kaniyang malalapit na kaanak.

Pero dakong 7:15 ng gabi, umalis na sa pasilidad ang ang kinatawan ng pamilya kasama ang bangkay ni Cayamora.

Bago dalhin sa kaniyang huling hantungan, idinaan muna ang bangkay ni Cayamora sa Grand Mosque sa Quiapo, Manila.

Dahil sa relihiyon, inilibing kaagad si Cayamora at sa Himlayang Liwanag ng Kapayapaan sa Norzagaray, Bulacan.

Read more...