Job security para sa mga maaapektuhan ng panukalang tax reform, nais matiyak ni Angara

Grabbed from FB

Nananawagan si Sen. Sonny Angara sa pamahalaan na masiguro ang kapakanan ng mga manggagawa na maaapektuhan ng panukalang tax reform.

Ayon sa senador, dapat na ilaan ang bahagi ng “incremental revenues” ng proposed tax reform sa pagbibigay ng employment assistance sa mga mawawalan ng trabaho sakaling mapatupad ang tax reform.

Ani Angara, bagaman maganda na mabawasan ang buwis ng sweldo para mas malaki ang maiuuwi ng isang manggagawa, mas mahalaga pa rin anya na mayroon pa rin silang hanap buhay sakaling mawalan ng trabaho dahil sa panukala.

Nauna na ngang ibinabala ng Beverage Industry Association of the Philippines na nasa 130,000 trabaho ang maaapektuhan sa beverage sector sa panukalang excise tax sa mga sugar-sweetened na inumin.

Ang HB 5636 ay magpapataw ng sampung pisong excise tax sa kada litro ng inuming may asukal tulad ng mga juice drinks, tea, kape, softdrinks, energy drinks at iba pa.

Ang pagpapataw ng excise tax base sa sugar content ng mga inumin ay mas makatwiran at epektibo umano para mahikayat ang mga Pilipino na uminom ng mas healthy na inumin ayon kay Angara.

Samantala, nagbibigay trabaho naman ang DOLE sa kasalukuyan sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program sa mga mangagawang natanggal dahil sa pagsasara ng business establishments at maging sa mga indibidwal na nawalan ng hanapbuhay tulad ng mga mangingisda at magsasaka.

Read more...