Na-hold sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang isang babaeng pasahero matapos mahulihan ng 33 piraso ng bala sa kanyang bagahe kaninang hapon.
Papuntang Taiwan si Jean Lolita Abad Manipud-Robles nang makita sa Gate 2 departure entrance ang mga bala sa kanyang balikbayan box.
Anim na bala ng caliber .38 na nakatago sa isang bote, at 27 bala ng caliber .45 na nakatago sa kahon ng posporo ang nakita sa bagahe.
Pinayagan namang makaalis ang babae, pero isinalalim muna sa karampatang dokumentasyon.
Paliwanag ng babae, binili niya ang mga bala, at aksidente niyang nadala sa kanyang biyahe pa-Taipei.
Wala namang kakaharaping kaso si Manipud-Robles dahil ito na ang bagong panuntunan ng NAIA.
Hindi na maaring makasuhan ang isang tao na mahuhulihan ng bala, kung mapapatunayan na wala namang masamang intension ito sa pagdadala.