Mula sa bahay ng Pamilya Delos Santos, umabot nang mahigit tatlong oras ang martsa hanggang tuluyang nailibing ang binatilyo sa La Loma Cemetery. Limang lanes ng EDSA-Balintawak ang inokupa ng nakiramay sa pagkamatay ng binatilyo.
Naging pabago-bago ang panahon sa motorcade pero hindi ito inalintana ng mga nakilibing.
Pansamantalang tumigil ang funeral march sa harap ng Caloocan City Police Community Precinct 7, ang istasyon kung saan nakatalaga ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17-taong gulang.
Bago ito, isinagawa rin ang huling misa para kay Kian sa Sta. Quiterua Church.
Ayon sa padre de pamilya na si Zalde Delos Santos, sana ay hindi danasin ng pamilya ng mga pulis na aniya’y pumatay sa kanyang anak ang parehong kapalaran dahil masyado anyang masakit ang mawalan ng anak.
Matatandaang umani ng batikos ang pagkamatay ni Kian mula sa mga kaalyado at kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa gyera nito kontra droga.