Sa pahayag ni Finance Secretary Cesar Purisima sa isang text message para kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, sinabing hindi nila hahayaang maisawalang bahala ang maayos na kalagayang piskal ng bansa, na isang paraan na nagpapaunlad sa kasalukuyang ekonomiya, dahil lamang sa isang isinusulong na panukalang batas.
Dagdag pa ni Purisima, hihikayatin nila ang kongreso na mas paigtingin pa ang paraan at sistema ng piskal upang mas maging malakas, at matibay ang sektor ng pananalapi.
Aniya, ito ang magiging daan upang mas lumakas ang serbisyo ng pamahalaan sa tao, at sa imprastruktura, at upang mas makaakit ng mga investors, at oportunidad sa bilang ng trabahong maaaring pasukin.
Ang panukalang batas ay isinulat ni Marikina Representative Miro Quimbo, kung saan pinapababa ang babayarang income tax ng mga pribado, at maging ng empleyado ng gobyerno.
Ayon naman kay Commissioner Kim Henares ng Bureau of Internal Revenue, nasa P29 billion ang maaaring mawala sa kabuuang kita ng pamahalaan.
Ngunit iginiit ni Quimbo, sa ipinakita niyang datos mula sa gobyerno na 60 porysento ng mga prupesyunal, at 70 porsyento ng mga negosyante ang hindi nagbabayad ng kanilang mga buwis, hindi tulad ng mga manggagawa na sumusunod sa bawas na ipinapataw sa kanila.
Dagdag pa ni Quimbo, humigit kumulang sa 23 milyon ang bilang ng indibidwal na kumikita, ngunit 5.6 milyon lamang dito o halos 18 porsyento ng kabuuang populasyon ng mga manggagawa ang nagbabayad ng buwis.
Ayon sa kinatawan, isinasaad ng panukala ang pagpapababa sa income at corporate tax rates, at pagbabago sa sistema ng pangungulekta ng buwis, nang sa gayon ay maging patas ito para sa mga nagtatrabaho.
Kasama dito ang apat na isinusulong na income tax brackets.
Una, ang mga kumikita ng P180,000 pababa kada taon ay hindi magbabayad ng buwis. Samantalang ang mga kumikita ng P180,000 hanggang kalahating milyon ay magbabayad lamang ng 9%.
Habang ang mga kumikita ng hindi bababa sa P500,000 hanggang P10 milyon ay magbabayad ng 17%, at kung ang kumikita ay may P10 milyong kita bawat taon, nararapat siyang magbayad ng 30%.
Ang mga rate ay pinagbasehan umano sa family at income expenditure survey, labor force survey, at census.
Mas simple ang komputasyon, mas madaling magbayad ang mga manggagawa ang pahayag ni Representative Quimbo.
Ngunit, inihain ng Department of Finance ang maaaring mawala sa kita ng gobyerno kung pabababain ang tax rate na ibinabayad ng mga manggagawa.
Isinusulong ng mga opisyal ng Finance ang pagdaragdag sa VAT at VAT base maliban sa sektor ng agrikultura, kalusugan, bangko, at edukasyon.