Pagtatayo ng north bus terminal, pinabibilisan na sa MMDA at DOTr

 

File photo

Nanawagan na si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na bilisan ang pagde-desisyon kung saan ilalagay ang north bus terminal.

Ayon kay Bautista, sana ay bilisan naman na ng mga opisyal dahil nakakainip na rin.

Sa tuwing napeperwisyo kasi aniya ang mga tao dahil sa tindi ng trapiko sa mga lansangan, laging silang mga alkalde ang napupulaan.

Sakali kasing matukoy na kung saan ito ilalagay, doon na ang magiging bagsakan ng mahigit 370 na provincial bus mula sa mga lalawigan sa northern Luzon.

Inaasahang malaki ang maitutulong nito sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa EDSA dahil kung mayroon na nito, hindi na padadaanin sa EDSA ang mga provincial buses.

Una nang naging plano ng MMDA ang pagtatayo ng north bus terminal malapit sa Monumento sa Caloocan City at nakapagbigay na si Mayor Oscar Malapitan ng lugar na mapaglalagyan nito.

Gayunman, hindi pa rin ito maisakatuparan dahil ang nais ng DOTr ay mailagay ang nasabing terminal malapit sa istasyon ng tren.

Read more...