Nilinaw ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa na hindi sa kanya personal na nanggaling ang utos kaugnay sa pagdurog sa mga drug personalities.
Sinabi ni Dela Rosa na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na maging mahigpit ang mga otoridad sa pagpapatupad ng war on drugs.
Ang general order lang umano na nagmula sa pamunuan ng PNP ay ang pagpapatuloy ng paglaban sa iligal na droga sa bansa.
Nang tanungin ni Sen. Grace Poe kung bakit wala nang sumunod na mga anti-drug operations makaraang mapatay ang 17-anyos na si Kian Delos Santos ay sinabi ni Dela Rosa na marami sa kanyang mga tauhan ang demoralisado dahil sa batikos mula sa publiko.
Pero tiniyak ng PNP officials na magpapatuloy pa rin ang kanilang kampanya laban sa iligal drugs.
Sa pagsisimula ng pagdinig sa Senado ngayong araw ay personal na nakaharap ng tatay ni Kian na si Mang Zaldy ang mga pulis na miyembro ng Caloocan City PNP na nakapatay sa kanyang anak.