Tumanggi sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz na sabihin kung sino sa kanilang tatlo ang bumaril at nakapatay sa 17-anyos na si Kian Delos Santos.
Sa kanilang pagharap sa imbestigation ng Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson ay nanatili silang tahimik at umiiling nang tanungin ni Sen. Bam Aquino kung sino sa kanila ang nakapatay sa biktima.
Pero nanindigan naman ang tatlo na gumanti lamang sila ng putok makaraan silang barilin umano ni Delos Santos.
Tumanggi na rin silang sumagot sa iba pang mga tanong ni Aquino kung tiyak ba sila na si Kian nga ang bumaril sa kanya.
Sa pahayag naman ng forensic expert ng Public Attorney’s Office na si Dr. Erwin Erfe ay kanyang sinabi na nakalugmok na ang biktima nang ito ay barilin nang malapitan ng mga pulis.
Wala rin umanong palatandaan na nanlaban ang biktima nang ito ay barilin ng mga otoridad.
Sa kanilang imbestigasyon ay kanilang sinabi na tatlong gun shot wounds ang ikinamatay ng biktima kasama na dito ang fatal shots sa kanyang ulo.
Sa ulat naman ng PNP Crime Laboratory ay kanilang sinabi na dalawa lamang ang tama ng bala ni Kian at ito ay nakadapa nang barilin base na rin sa kanilang ginawang otopsiya sa mga labi ni Kian.