Sa gitna ng mga kinakaharap na kritisismo ng pulisya ngayon dahil sa kaso ni Delos Santos, nilinaw ni Pangulong Duterte na bagaman iniutos niyang buwagin ang sistema ng iligal na droga sa bansa, hindi naman ito nagbibigay pahintulot sa mga pulis na gumawa ng krimen tulad ng murder.
Pinaalalahanan rin ng pangulo ang mga sundalo at pulisya na ang pagpatay sa isang suspek ay dapat bahagi ng ginagampanang tungkulin.
Gayunman, iginiit niyang hindi niya pinapayagan ang mga ito na pumatay ng taong lumuluhod na at nagmamakaawa para sa kaniyang buhay.
Ani pa Duterte, wala namang may gustong pumatay ng mga inosenteng tao.
Nilinaw rin ng pangulo na bagaman sinabi niyang poprotektahan niya ang mga pulis na ginagawa ang kanilang trabaho, kailanman ay hindi niya pinangakuan ng proteksyon ang mga pulis na lumalabag sa batas.
Banta niya pa, papatayin o ipapapatay niya ang mga ito dahil ang mga ganitong klase ng pulis ang dapat na binabawian ng buhay.