7th fleet commander ng US Navy, sinibak sa puwesto dahil sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng kanilang warships

 

Sinibak sa puwesto ang pinuno ng 7th fleet ng US Navy na nakabase sa Asya-Pasipiko matapos ang serye ng mga banggaan sa karagatan na kinasasangkutan ng kanilang mga barkong pandigma nitong nakalipas na mga buwan.

Sa isang statement, kinumpirma ni Admiral Scott Swift, commander ng US Pacific fleet na na-relieve sa puwesto si Vice Admiral Joseph Aucoin dahil sa ‘loss of confidence’ na pamunuan ang 7th fleet.

Personal na nagtungo si Admiral Swift sa Japan upang ihain ang relief order kay Aucoin.

Pinalitan ito ng Deputy Pacific Fleet commander na si Rear Admiral Phil Sawyer bilang pinuno ng makapangyarihang 7th fleet.

Ang 7th fleet na nakabase sa Japan ay may 70 warship, kabilang na ang nag-iisang forward deployed aircraft carrier ng US navy at may 20,000 tripulante.

Sakop ng hurisdiksyon ng 7th fleet ang nasa 124 milyong square kilemeters ng karagatan na nasa pagitan ng Japan, South Korea at Singapore.

Nitong nakalipas na mga buwan, nasangkot sa apat na insidente ng mid-sea accidents ang mga barkong pandigma ng 7th fleet.

Pinakahuli rito ang banggaan sa pagitan ng US guided missile destroyer John Mccaine at isang oil tanker noong nakaraang linggo sa karagatang sakop ng Singapore kung saan sampung tripulante ang napaulat na nasawi.

Read more...