Pansamantalang isinara ang tulay na nag-uugnay sa Isla ng Taipa at Macau sa kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Hato (Bagyong Isang).
Ayon isang attendant ng Parisian Hotel na si Mark Justine Aguilon, itinigil na ang operasyon ng mga kompanya sa Taipa kabilang na ang kanilang hotel. Aniya, isinara na rin ang tulay sa Isla ng Taipa na nag-uugnay sa Macau.
Kwento ni Aguilon, “Naglagay po sila ng stand by area para sa mga staff at mga guest upang makapagpahinga at maging safe habang hinihintay ang paghupa ng ulan.”
Inilarawan din niya ang lugar kung saan wasak ang ilang puno, bumagsak ang mga poste, at sinira rin ng bagyo ang mga gusali.
Aniya, “Sobrang lakas po ng hangin, ultimo nasa loob kami ng building ay rinig na rinig po yung hangin.”
Dagdag ni Aguilon, lagpas dibdib na rin ang baha sa ilang lugar sa Macau.
Samantala, ibinaba na sa Signal No. 1 ang typhoon warning sa Hong Kong dulot ng Typhoon Hato (Bagyong Isang).
Batay ito sa Tropical Cyclone Warning Bulletin na inilabas ng Hong Kong Observatory dakong 6:20 ng gabi, oras sa Hong Kong, ngayong araw.
Namataan ang Hato sa 240 kilometers sa kanluran ng Hong Kong, at inaasahang gagalaw kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras. Taglay nito ang hanging aabot sa 120 kilometro kada oras.