Nanawagan si Alejano sa dati niyang kasamahan na pangalanan na ang mga mambabatas na una nang inakusahan ni Faeldon na namba-braso o gumagamit ng impluwensya sa Customs.
Una nang binanggit ni Faeldon ang tungkol sa padrino sa kawanihan matapos ang kanilang bangayan ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Alejano, ito na ang tamang panahon para ibunyag ni Faeldon ang mga corrupt na nang-iimpluwensya sa Customs, maging senador o congressman man ang mga ito.
Dapat na aniyang magbunyag ng mga pangalan si Faeldon, lalo na ngayong napakatahimik aniya ng gobyerno sa kung sino ang nasa likod ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa BOC.
Samantala, una nang kinumpirma ni Alejano na bagaman dati nilang kasamahan si Faeldon sa Magdalo noong Oakwood mutiny, tinanggal siya sa grupo matapos itong tumakas mula sa pagkakakulong habang naharap naman sa kasong rebelyon ang iba pang mutineers.
Ang pagtakas aniya ni Faeldon ang naging sanhi ng hidwaan sa pagitan niya at ng Magdalo.