Netizens, ipinanawagan ang pagsibak kay Mocha Uson

“Spreader of lies,” “incompetent,” at “useless.”

Ilan lamang ito sa pagsasalarawan ng mga galit na netizens kay Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson matapos mag-top trending topic sa Twitter Philippines ang #FireMocha.

Ito ay matapos hamunin ni Uson sina VP Leni Robredo at mga opposition senators na dumalaw sa isang burol ng isang pulis na napatay sa isang buy bust operation.

Matatandaang bumisita ang mga lider ng oposisyon sa burol ng napatay na binatilyong si Kian Delos Santos.

Ngunit ilang sandali lamang matapos ang hamon na ipinost ni Uson alas 7:03 ng gabi sa kanyang Twitter, sunod-sunod ang naging banat ng mga netizens matapos mapag-alamang noong nakaraang taon pa ang burol ng pulis.

Ishinare ni Mocha ang article na nailathala ng Inquirer noong nakaraang taon at may caption na “waiting”.

Mabilisang pinuna ito ng netizens at ilang sandali lang ay binura na ng assistant secretary.

Hindi ito ang unang beses na nagkamali si Mocha sa kanyang post sa social media matapos ang insidente noong Mayo kung saan nagpost siya ng pictures ng umano’y mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi ngunit larawan naman pala ng sundalong taga-Honduras.

Ipinagtanggol pa ito ni Uson at tinawag lamang itong simbolismo.

 

 

Read more...