Ilang kaibigan ni Paolo Duterte pahaharapin sa drug smuggling probe ng Senado

Radyo Inquirer

Natapos na ang ika-apat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw kaugnay sa P6.4 Billion na halaga ng smuggled na shabu sa Bureau of Customs.

Sa panayam kay Committee Chairman Sen. Richard Gordon, binanggit nito na bukod sa smuggling, mas interesado sya na mabuksan ang libro ng Bureau of Customs para matukoy ang mga transaksyon at mga pangalan sangkot sa shipment ng shabu galing China.

Ayon kay Gordon, maraming mga bagong pangalan ang naisiwalat ngayon sa hearing tulad nina Col. Capuyan, Jojo Bacud at iba pa na nakatakdang ipatawag sa senate hearing

Ipapatawag din si Davao Councilor Nilo “Small” Abellera upang mabigyang linaw ang umanoy involvement ng Davao group sa smuggling ng drugs sa Customs.

Si Small ang itinuturong koneksyon ni Taguba sa Davao group kung saan ay iniuugnay rin ang anak ng pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Muling ipagpapatuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa umaga ng August 29.

Kapuna-puna naman na nakopo na naman ni Gordon ang mahabang oras ng pagtatanong kung saan ay tanging si Sen. Sonny Trillanes lamang ang nabigyan ng tsansa na matanong ang ilang mga imbitadong bisita.

Dahil sa sobrang oras sa pagtatanong ni Gordon, hindi na nakasingit sa pagtatanong ang ilang senador sa pagdinig tulad nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senate Majority Leader Vicente Tito Sotto III, Sen Manny Pacquiao na dumalo sa hearing.

Hindi naman dumalo sa pagdinig si Senador Panfilo Lacson matapos na hindi matawag ito ni Gordon para makapagtanong sa nakaraang dalawang pagdinig na nauwi rin sa pagwalk out ng senador.

Read more...