Nagkainitan sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Bureau of Customs Chief Bert Lina sa hearing ng senate committee on ways and means ukol sa pagbubukas ng mga balikbayan box na ipinadadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Kinuwestyun kasi ni Recto si Lina kung nagtaas ito ng singil sa buwis sa mga balikbayan boxes ng mga OFW.
Nakarating sa kaalaman ni Recto na noong Hulyo, itinakda ng BOC ang ‘tara’ o fee mula P80,000 bawat container van at ngunit ginawa itong P180,000.00 para sa Oktubre na direktang makakaapekto sa mga OFW.
Inamin ito ni Lina subalit iginiit na ang mga freight forwarder ang dapat sumalo ng buwis.
Dagdag pa ni Lina, hindi nag-iimbento ang BOC sa mga dapat singiling buwis sa mga container van at hinamon ang mga freight forwarders na buksan ang kanilang mga libro
Dito, nagkataasan na ng boses ang dalawa kaya’ nairita na si Recto at iginiit na tiyak na ipapasa rin ito sa mga OFW.
Agad namang sinaway ni Senador Sonny Angara, chairman ng komite ang dalawa at iginiit na hindi mareresolba ang problema kapag idinaan sa init ng ulo.