10 crew patuloy na nawawala sa banggaan ng US navy destroyer at oil tanker

 

Sampung sailors ng Estados Unidos ang nawawala pa rin hanggang ngayon makaraang magsalpukan ang isang oil tanker na Alnic MC at ang USS John S. McCain kahapon sa malapit sa Singapore.

Dahil dito, patuloy na ang paghahagilap ng mga marine vessels at aircraft ng US, Indonesia, Singapore at Malaysia.

Apat na iba pang sailors ang nailikas at dinala ng Singaporean navy helicopter sa isang ospital para mabigyang lunas ang mga natamo nilang sugat, habang ang isa pa nilang kasamahan na nasugatan ay hindi naman na kinailangan pang bigyan ng karagdagang atensyong medikal.

Patungo sanang Singapore ang McCain para sa isang routine port visit matapos magsagawa ng freedom-of-navigation operation noong nakaraang linggo malapit sa man-made islands ng China sa South China Sea.

Ayon sa US Navy 7th Fleet, nagresulta ng pagbabaha sa mga compartments tulad ng crew berths, machinery at communications rooms ang butas na natamo ng McCain dahil sa pag-bangga nito sa oil tanker.

Tinatayang nasa tatlong metro ang lapad ng natamong pinsala ng McCain base sa larawang ipinost ni Malaysian Navy chief Ahmad Kamarulzaman Ahmad Badaruddin.

Dahil dito ay sumaklolo sa kanila ang amphibious assault ship na USS America sa Singapore para tumulong sa damage control sa McCain.

Tutulong din ito sa paghahanap sa mga nawawalang mandaragat, at doon muna patutuluyin ang mga sailors ng McCain.

Samantala, wala namang nasugatan sa panig ng mga tauhan ng Alnic at wala ring naitalang chemical o oil spill.

Read more...