Inihayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maraming dapat ipaliwanag si Commission on Elections Chairman Andres Bautista sa Anti-Money Laundering Council kaugnay sa sinasabing P1 Billion tagong yaman nito.
Sinabi ni Alvarez na nagtataka siya sa sinasabing P329.2 Million bank deposit nito sa ilalim ng 35 passbooks sa Luzon Development Bank gayung P176 Million lamang ang idineklara nitong assets sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon kay Alvarez, maaring sa isang maliit na bangko na Luzon Development Bank idinadaan ang pera.
Maari anyang tingnan kung sino ang nagdedeposito rito kasabay ng pahayag na lalabas ang totoo sa isasagawang mga imbestigasyon.
Maliban sa sinasabing 35 bank accounts ni Bautista sa Luzon Development Bank ay ibinunyag din ng asawa nito na si Patricia na mayroong dollar account ang pinuno ng Comelec na may $12,778 deposit at peso account na mayroong P256,931 deposit sa RCBC.
Nauna ng inihayag ni Alvarez na isang perfect complainant sa impeachment complaint laban kay Bautista ang maybahay nito dahil sa personal knowledge nito sa ill-gotten wealth ng mister.