Pagpatay sa mga manok na infected ng avian flu sa Nueva Ecija tatapusin na

Inquirer file photo

Posibleng matapos ng Department of Agriculture bukas ang on-going culling operation o pagpatay sa mga poultry livestock na apektado ng bird flu sa mga bayan ng Jaen at San Isidro sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Manny Piñol, kung sa loob ng 21 days ay wala na silang maiuulat na kaso ng avian influenza ay ligtas nang sabihin na contained na ang outbreak na nagsimula sa bayan ng San Luis Pampanga.

Sinabi ng kalihim na 21 days kasi ang incubation period ng bird flu kaya kung wala nang kaso nito sa loob ng nasabing panahon ang ibig sabihin hindi kumalat sa ibang lugar sa lalawigan ang nasabing uri ng virus.

Samantala, tapos na aniya ang culling operations sa Pampanga at nasa proseso na sila ng disinfection.

Kumpiyansa din ito na malinis sa bird flu ang mga manok na nasa merkado dahil sa mahigpit na pagpapatupad nila sa firewall sa Pampanga tulad ng 1-kilometer quarantine area at 7-kilometer transport ban zone.

Kaugnay nito, humihingi si Piñol ng paumanhin sa mga poultry farm owners na apektado ng kanilang paghihigpit.

Paliwanag ni Piñol, sinusunod lamang nila ang nakasaad sa international protocol para sa ganitong mga insidente kung saan isa ang Pilipinas sa mga signatory.

Read more...