Operasyon ng LRT-2 balik na sa normal

Balik na sa full operations ang LRT-line 2 ngayong araw matapos ang sunog na naganap noong Sabado ng gabi na nagresulta sa pagpapatupad ng limiatadong operasyon.

Mula alas 4:30 ng umaga ngayong Lunes, August 21, balik sa normal na ang operasyon ng line 2 ng LRT na may biyaheng Santolan to Recto at pabalik.

Kahapon ay nilimitahan ang operasyon ng tren sa Santolan to Cubao at pabalik lamang matapos ang sunog sa kable na naganap noong Sabado ng gabi sa bahagi ng Pureza station.

Ayon sa LRTA, nasira sa nasabing sunog ang power cables, telecommunication at signaling fiber optics sa Pureza station kaya kinailangang ipatupad ang limited operations.

Matapos ang insidente, sinabi ng LRTA na agad namang nagsagawa ng pagkukumpuni ang kanilang engineering and maintenance team pero inabot ng mahigit 24-oras ang pagsasaayos.

Nag-ugat ang sunog sa junction box ng LRT na tinamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Inatasan ni LRTA ADministrator Gen. Reynaldo Berroya ang kanilang engineering team na isailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng LRT facilities at equipment para maiwasang maulit ang insidente.

 

 

 

 

 

 

Read more...