Cardinal Tagle, nanawagan upang wakasan ang kabi-kabilang pagpatay

Nanawagan ang arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila at lider ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, Luis Antonio Cardinal Tagle na wakasan na ang mga pagpatay sa giyera kontra droga.

Sa kanyang liham pastoral na binasa sa lahat ng simbahan sa arkidiyosesis ng Maynila sa mga misa kahapon, nanawagan siya sa lahat ng sektor at sa buong bayan na magkaisang wakasan ang nakapipinsalang problema sa ilegal na droga.

Anya, masalimuot ang problema sa droga at kailangan na ang bawat isa ay magtulungan upang masugpo ito mula sa pambansang pamahalaan, mga pamilya hanggang sa mga dating adik na gumaling na.

Handa rin umano ang Arkidiyosesis ng Maynila na pamunuan ang mga dayalogo ng bawat sektor na may kinalaman sa usapin ng droga.

Ayon pa sa Cardinal, ang usapin ng droga ay hindi dapat tingnan bilang isang usaping political o kriminal lamang.

Ito anya ay usaping pangtao na sangkot ang lahat ng mga tao kaya hindi raw sasapat ang mga estadistika o numero lamang kundi dapat ay pakinggan ang mga kwento ng lahat ng grupo ng tao na apektado nito.

Nitong nakaraang linggo, hindi bababa sa 80 ang namatay sa One Time Big Time Operations na ikinasa ng PNP sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at lalawigan ng Bulacan.

Dahil dito, nanawagan si Tagle sa mga parokya at vikaryato ng Arkidiyosesis ng Maynila kabilang ang mga BEC o munting Sambayanang Kristiyano na ilaan ang sarili sa “Sanlakbay”- ang programa ng simbahan na tumutulong sa pagbabagong-buhay ng mga nalululong sa ilegal na droga.

Read more...