Nilagdaan ng mga senador mula sa mayorya ang resolusyon matapos ang caucus ngayong gabi.
Mariing kinondena ng mga senador ang pang-aabuso ng pulisya na nagresulta sa mga pagpatay na inilarawan nilang “excessive at unnecessary”.
Ipinost ni Senator Joel Villanueva ang kopya ng resolusyon sa kanyang official Twitter account na nilagdaan ng 14 kasama siya.
Kabilang sa mga lumagda sina Senate President Aquilino Pimentel III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Vicente Sotto III, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon, Gregorio Honasan II, Sonny Angara, Joseph Victor Ejercito, Grace Poe, Loren Legarda, Sherwin Gatchalian at Panfilo Lacson.
Ayon, kay Villanueva, nagcommit din na lumagda sina Nancy Binay at Francis Escudero.
Samantalang si Manny Pacquiao na lamang ang miyembro ng mayorya na hindi pa lumalagda.
Ikinukonsidera rin ng resolusyon ang testimonya ng mga testigo at ang footage ng CCTV at sinabing pinasisinungalingan nito ang alegasyon ng mga pulis laban sa menor de edad na si Delos Santos.
Nakatakdang ipasa ang resolusyon sa Senate committee on public order na pinamumunuan ni Senator Panfilo Lacson.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation sa pagpatay kay Delos Santos.