Naniniwala ang pamilya ng binatilyo na pinatay sa Oplan Galugad sa Caloocan City na dapat nang tapusin ng pamahalaan ang giyera kontra iligal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sa ama ng 17 taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos, sinabi ni Zaldy delos Santos na dapat nang matigil ang mga patayan dahil nagbibigay daan lamang ito sa pang-aabuso ng mga pulis.
Anya, tila nagiging normal na lamang sa mga pulis ang pumatay at mistulang hayop na ang trato nila sa kanilang mga target.
Kung di umano matitigil ang ganitong kultura, baka mas marami pang “Kian” ang mabibiktima ng mga maling paratang.
“Dapat lang siguro kasi mali-mali na ang ginagawa nila. Parang hayop na lang nila patayin ang mga tao kahit na sinu-sino, pati inosente nag aaral papatayin nila”, dagdag pa ni Delos Santos.
Nangangarap maging pulis tapos pulis ang papatay sa kanya. Maari itigil na rin siguro kasi wala rin eh. Marami ring pumapasok. Kapag pumapatay sila ng tao, wala na silang pinipili. Nagiging makapangyarihan lang mga pulis Ayon sa ina ni Kian na si Lorenza, sobrang sakit para sa kanya na datnan ang anak nya na nasa kabaong na. Umuwi kasi sya mula Riyadh matapos mabalitaan ang pagkamatay ng anak.
Sinabi rin ni Aling Lorenzana na makamtan lang nila ang hustisya ay sapat na para sa kanila.
Matatandaang, base sa spot report ng pulisya, bumunot umano at nagpaputok ng baril si Kian kaya ito pinaputukan ni PO3 Arnel Oares.
Taliwas naman ito sa kopya ng CCTV mula sa barangay na nagpapakita sa lalaking hinihila ng dalawang pulis.