Matapos nilang makumpirma ang presensya ng mga Chinese vessels malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na nais nilang mabigyang linaw ito sa BCM.
Ginanap ang kauna-unahang BCM sa Guiyang, China noong Mayo, kung saan napag-usapan ng mga opisyal ng China at Pilipinas ang isyu tungkol sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Layon nitong maiwasan ang marahas na komprontasyon sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa nasabing usapin, at para rin mapag-usapan ng magkabilang panig ang kani-kanilang mga alalahanin tungkol sa isyu.
Ani Padilla, mayroon nang kasalukuyang mekanismo na dapat sinusundan na sinimulan sa BCM, kaya mas makabubuti kung itatanong sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung ano na ang nangyari dito.
Una nang sinabi ng DFA na magkakaroon ng pangalawang pagpupulong ngayong taon para maiakyat na rin dito ang iba pang mga ikinababahala ng Pilipinas sa nasabing usapin.
Naniniwala naman si Ambassador Chito Sta. Romana na isang magandang lugar ang BCM para pag-usapan ang mga posibleng pakikipagtulungan ng China at Pilipinas para makabuo ng “trust and confidence” sa isa’t isa.
Samantala, tiniyak naman ni Padilla na inaaksyunan na nila ang ulat ng presensya ng mga Chinese vessels malapit sa Pag-asa Island.