Pag-arangkada ulit ng patayan sa war on drugs, kinondena ng mga obispo

Kuha nina Cyrille Cupino at Jong Manlapaz

Mariing kinundena nina Kalookan Bishop Pablo Virgilio S. David at Malolos Bishop Jose Oliveros ang kaliwa’t kanang pagpatay sa mas tumitinding operasyon ng mga otoridad laban sa droga.

Sa loob lamang ng tatlong araw, halos nasa 80 katao ang namatay na ang karamihan ay nagmula sa dalawang diyosesis na sakop ng dalawang Obispo.

Ayon kay Bishop Oliveros, lubha siyang naalarma sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay na may kinalaman sa droga dahil karamihan dito ay maituturing na “extra-judicial killings.”

Anya, maaring gusto lamang magpa-impress ng mga pulis sa pangulo kaya’t naisagawa ang mga pagpatay sa loob lamang ng isang araw.

Sa one-time big-time operation na ginawa ng Bulacan PNP noong Martes, 32 ang namatay na karamihan ay nanlaban umano.

Samantala, muling binatikos ni Bishop David ang nagpapatuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga.

Anya, hindi masusugpo ang lawak ng kalakalan ng bawal na gamot at masusupil ang mga malalaking personalidad na nagpapatakbo rito kung papatayin ang maliliit na drug suspect.

Naniniwala naman si David na ang pagkakapatay sa 17-anyos na estudyante sa operasyon sa Caloocan City ay malinaw na kaso ng pang-aabuso at pagpatay sa kinabukasan ng isang bata.

Wala anyang batas sa kahit saang sibilisadong lipunan na nagsasabing nararapat ang kamatayan sa isang tao dahil lamang siya ay isang drug suspect.

Read more...