Pagkamatay ng 17-anyos sa police ops sa Caloocan, ikinalungkot ni Dela Rosa

Humingi ng paumanhin si Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa sa pagkakasawi ng isang 17-anyos na estudyante sa isang anti-drug operation sa Caloocan City police kamakailan.

Ayon kay Dela Rosa, nauunawaan niya ang hinagpis na nararamdaman hindi lang ng pamilya ng estudyante na si Kian Loyd Delos Santos, kundi pati ng mga kaanak ng iba pang suspek na napatay.

Aniya, masakit talaga para sa isang pamilya na mamatay ng kaanak at na ikinalulungkot rin niya ang pangyayari.

Gayunman, inamin ni Dela Rosa na kabilin-bilinan niya talaga sa mga pulis na sasabak sa operasyon na tiyaking sila ang uuwing buhay at hindi ang mga kriminal.

Ani Dela Rosa, mas nanaisin nilang mabuhay ang kanilang mga pulis pagkatapos ng operasyon kaysa ang mga ito ang tumumba.

Sa kabila ng pahayag na ito ay pinaalalahanan niya pa rin ang mga pulisya na huwag namang aabusuhin ang kanilang tsapa at lisensya na kumitil ng buhay.

Tiniyak naman ni Dela Rosa na isasailalim sa imbestigasyon ang pagkakapatay kay Delos Santos.

Read more...