Patricia Bautista, isinailalim sa provisional WPP

Photo by Tech Torres/ Inquirer

Pinagkalooban ng proteksyon ng Department of Justice (DOJ) si Patricia Bautista, na misis ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista.

Nagkita kahapon sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre II at Patricia sa DOJ, para humingi na ng proteksyon mula sa pamahalaan matapos niyang akusahan ang kaniyang mister ng pagkakaroon ng halos P1 bilyong tagong yaman.

Ani Aguirre, humiling ng proteksyon si Mrs. Bautista dahil sa mga natatanggap niyang banta sa kaniyang buhay.

Dahil dito, probisyonal muna nilang ipinasok sa Witness Protection Program si Mrs. Bautista upang matiyak ang kaniyang kaligtasan at seguridad bilang isang potential witness.

Dagdag pa ni Aguirre, ang naturang proteksyon ay iba pa sa seguridad na ibinigay sa kaniya ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).

Ayon pa sa kalihim, bagaman wala pang detalye kung anong klase ng mga banta ang natatanggap ni Mrs. Bautista, pangunahin pa rin nilang alalahanin ang kaligtasan nito.

Tumanggi rin si Mrs. Bautista na magbigay ng iba pang impormasyon tungkol sa mga banta na kaniyang natatanggap.

Nakipagpulong na si Mrs. Bautista sa grupo mula sa NBI na inatasan ni Aguirre na imbestigahan ang kaniyang alegasyon.

Dahil provisional pa lang ang pagkakapasok niya sa WPP, hihingan pa si Mrs. Bautista ng affidavit na sisiyasatin pa upang malaman kung kwalipikado ba siyang pagkalooban ng buong proteksyon mula sa gobyerno.

Read more...