Aksidenteng nadiskubre ng mga otoridad ang nasa 72 patay na aso na lulan ng isang pick-up truck matapos masangkot ito sa aksidente sa Imus, Cavite Huwebes ng umaga.
Ikinagulat ng mga otoridad ang pagkakatagpo ng mga labi ng napakaraming aso na hinihinalang kinatay at ibibiyahe upang ibenta sa mga kanilang mga parukyano sa Northern Luzon.
Ayon kay Supt. Norman Ranon, hepe ng Imus police, naunang nasangkot sa aksidente ang truck na may plakang RFG-527 nang makabanggan nito ang isa pang sasakyan sa Aguinaldo Highway sa Bgy. Anabu, 2-D.
Ngunit bago pa man dumating ang mga pulis, tumakas na ang hindi nakilalang driver ng truck.
Nang inspeksyunin ang nilalaman ng truck, laking-ulat ng mga pulis nang kanilang madiskubre ang 72 patay na aso sa likurang bahagi nito.
Sa loob ng sasakyan, nadiskubre ang isa pang plaka ng sasakyan na ZGM 395 na nakarehistro sa La Trinidad, Benguet.
Napapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung sino ang may-ari ng sasakyan at panagutin ang mga sangkot sa krimen.
Sa ilalim ng Republic Act 8485 o Animal Welfare Act, mariing ipinagbabawal ang pagkatay at pagbebenta ng karne ng aso.