Sangkot sa naunang kidnapping case ang isa sa mga suspek na napatay sa pangingidnap sa isang Indian national sa Biñan, Laguna.
Sa isang panayam, sinabi ni Supt. Arthur Masungsong, officer-in-charge sa Luzon Field Unit ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group, pawang mga Indian national ang target na biktima ng suspek na nakilalang si Inderjit Singh alyas “Goldy” at grupo nito.
Simula pa aniya noong 2004 ay mayroon na itong record ng pagdukot at magaling manakot sa kapwa Indian national.
Sinabi din ni Masungsong na ang iba sa mga binibiktima ni alyas “Goldy” ay tinatakot niya at pinapauwi sa India dahil kung hindi ay papatayin niya ito.
Kinumpirma din ni Masungsong na may kasamang grupo si alyas Goldy dito sa Pilipinas.
Ilang beses na din aniyang nakasuhan ang nasabing suspek pero nakakalaya ito dahil nakakapagbayad ng piyansa o ibinabasura ang mga kaso laban sa kanya.
Si alyas Goldy kasama ang isa pang hindi nakilalang Indian, at Pinoy na si Wilbert Ong ay sangkot umano sa pangingidnap sa kapwa Indian na si Anial Kumar Sohal.
Sa operasyon ng PNP-AKG sa Binañ, Laguna hapon ng Miyerkules, napatay ang tatlong suspek sa isang engkwentro habang inililigtas si Sohal.