8 patay sa sunog sa Paris, France

 

Walo ang kumpirmadong patay kabilang ang dalawang bata matapos matupok ng apoy ang isang apartment sa Paris, France kahapon.

Sa pahayag ni Interior Ministry spokesman Pierre-Henry Brandet, nauna nang may inapulang maliit na apoy ang mga bumbero sa gusali sa paanan ng Montmartre hill bandang 12:23 ng hatinggabi, oras sa Paris, ngunit makalipas ang dalawang oras, nakatanggap muli sila ng tawag dahil sa panibagong sunog sa unang palapag ng apartment na agad kumalat sa mga mas sumunod na palapag. Mahigit 100 na bumbero ang kinailangan para maapula ang rumaragasang apoy.

Ani Brandet, ilan sa mga biktima ay namatay dahil sa pag-talon mula sa mga bintana ng gusali sa pagtatangkang iligtas ang kanilang mga sarili.

Bagaman may mga nadeklarang patay sa insidente, mayroon din namang apat na nakaligtas at dinala na sa ospital para mabigyang lunas.

Ayon naman kay Paris Mayor Anne Hidalgo, wala namang naitalang problema sa nasabing gusali noon at ito ay nasa maayos na kondisyon. Dahil dito, tinitingnan na rin ng mga pulis ang posibilidad na may sinadya ang sunog.

Read more...