Nagdesisyon na ang pamahalaang lokal ng probinsya ng Capiz na mas palawigin pa ang sakop ng shellfish ban na idineklara nila dahil sa red tide sa Sapian Bay na pangunahing pinagkukunan ng mga produktong galing sa dagat ng probinsya.
Inatasan ni Capiz Gov. Victor Tanco ang alkalde ng kanilang kabisera na Roxas City, at ng anim pang mga bayan ng Sapian, Ivisan, Panay, Pontevedra, Pilara at President Roxas para masiguro ang implemantasyon ng nasabing ban.
Kilala ang Capiz sa pagiging pinakamalaking pinagkukunan ng talaba dahil sa kanilang malaking industriya na may kabuuan ng 140.45 na ektarya na kayang umani ng hanggang 2,103 metric tons na talaba kada taon ayon sa datos ng kanilang provincial agriculture office.
Ani Tanco, patuloy nilang sinusubaybayan ang kondisyon ng tubig at napansin nga nila na patuloy ang pagtaas ng toxicity levels sa may pampang dahil sa red tide.
Hinihinalang epekto ng climate change ang biglang pagtaas ng lebel ng red tide sa probinsya na ngayon lang ulit nangyari sa loob ng 17 taon.
Pinaghahandaan na ng lokal na gobyerno ang epekto nito sa suplay ng pagkain at sa kabuhayan ng kanilang mga residente dahil aniya, kung ito ay tatagal ng isang linggo o higit pa, matinding maaapektuhan ang mga kabuhayang nakadepende sa nasabing industriya.
Pinagiisipan na rin ng pamahalaan ang pagdedeklara ng partial state of calamity sa mga apektadong lugar para makapaglabas ng pondong makakatulong sa mga residente.
Inilabas nila ang ban sa kabila ng panahon ng anihan ng diwal o “angel wings” bivalve na sikat sa probinsya.
Apektado rin ang turismo sa probinsya ayon kay Tanco dahil maraming mga turista ang pumupunta sa Capiz para sa kanilang seafood.
Bagaman magreresulta ito ng pagbagsak sa produksyon ng shellfish, iginiit naman ni provincial agriculturist Sylvia de la Cruz na mas mahalaga para sa kanila na protektahan ang buhay ng mga tao.