Pawang lehitimong operasyon ang isinagawa ng mga pulis sa nakalipas na magdamag mula Miyerkules ng gabi hanggang umaga ng Huwebes na nagresulta sa pagkamatay ng maraming drug suspects at hinihinalang holdaper sa Maynila.
Sa nakalipas na halos dose oras, 26 ang nasawi sa Maynila bunsod ng isinaginawang labingwalong police operations.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Supt. Erwin Margarejo, na ang anti-illegal drugs buy-bust operation ay pinaplanong mabuti ng bawat himpilan ng pulisya bago ikasa o isagawa ang operasyon.
Sadya aniyang may mga pangyayari na hindi kontrolado ng mga pulis lalo na kung ang suspek ay papalag o manlalaban.
At sa isinagawang operasyon sa buong Maynila simula Miyerkules ng gabi, sinabi ni Margarejo na siyam sa labingisang stations sa Maynila ang ng-deliver ng magandang accomplishments.
Dagdag pa ni Margarejo, magpapatuloy ang kanilang pagsasagawa ng one-time big-time operation sa ilalim ng programang Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP).
Tiniyak naman ni Margarejo sa publiko na ang mga sumbong na ipinararating sa kanila hinggil sa mga hinihinalang gumagamit ng ilegal na droga ay dumadaan sa masusing validation at imbestigasyon.
Babala naman ni Margarejo sa mga sangkot sa paggamit o pagbebenta ng ipinagbabawal ng gamot, dalawa lamang ang maari nilang kahantungan.
Una ay ang kulungan at ikalawa ay ang kamatay kung sila ay papalag at manlalaban.