Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pamahalaan na tigilan na ang pag-import ng poultry products sa mga flu infested countries.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, may mga history na raw kasi ng flu ang mga bansa na kinukuhanan ng manok ng Pilipinas kung kaya’t makakabuti umanong itigil na muna natin ang importation.
Gayunman, sinabi ng grupo na wala pa silang official letter of request kay Rodrigo Duterte at sa Department of Agriculture.
Aniya, patuloy kasi tayong kumukuha ng poultry products sa mga bansa na tinamaan na ng avian influenza sa kabila ng protocol na itinakda ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Kabilang sa kaniyang mga binanggit ay ang bansang Australia, Canada, United States, United Kingdom, at pati na rin ang China.
Iginiit niya rin na kung type A subtype H5 ang flu na tumama sa mga manok sa San Luis, Pampanga, mas matindi umano ang mga strain na mayroon ang ibang bansa.
Samantala, hinihintay pa rin ngayon ng Animal Disease Control Section ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang resulta ng test na pinadala sa laboratory sa Australia kung ano pang subtype ng virus ang mayroon sa Pampanga.