Labinlimang pangalan ng mga operators ang nadawit sa panibagong pork barrel scam na nagkakahalagang halos 500 milyong piso, na kinasasangkutan rin ng dalawampung mambabatas.
Kabilang sa listahan ng mga operators na isiniwalat ng mga whistleblowers ay sina North Cotabato 2nd district Rep. Nancy Catamco at si Florida Robes na asawa ni San Jose del Monte, Bulacan Rep. Arturo Robes na isa rin sa mga mambabatas na sangkot sa hinihinalang scam.
Ang listahan na ito ay kasama sa mga affidavit na isinumite ng mga whistleblowers kahapon sa Office of the Ombudsman sa tulong ni Atty. Levito Baligod na kilala rin na isa sa mga nagsiwalat sa Napoles scam dalawang taon na ang nakalipas.
Ang mga NGOs naman na hinihinalang pinaglaanan ng mga kani-kaniyang alokasyon ng mga mambabatas ay ang Workphil Foundation, Sagip Buhay People Support, Kaisa’t Kaagapay, St James de Apostle, Kagandahan ng Kapaligiran, Kapuso’t Kapamilya, Kabuhayan at Kalusugang Alay sa Masa, Gabay sa Magandang Bukas, Center for Mindoro Integrated Development, Buhay Mo Mahal Ko Foundation, at ang Aaron Foundation na kasalukuyang pinamumunuan ni Catamco.
Samantala, ayon sa isa sa mga testigong nakapanayam ng Inquirer na tumangging magpakilala, ang mga nasabing operators ang tumatanggap ng mga tseke, nagsusumite ng mga dokumento at contact persons para sa mga mambabatas.
Bukod kina Catamco at Robes, kabilang rin sa listahan sina Evelyn Miranda, Rosemarie Palacio, Quennie Estanislao, Maylanie Asuncion, Elvira Roseph Castelo, Cheryl Ugali, Marilou Antonio, Joel Soriano, Marilou Ferrer, Maripaz de la Vega at Rizza de la Vega, France Mercado and Jaime Paulo Paras.
Matatandaang nabanggit rin ni Napoles sa kaniyang pinasang affidavit sa Department of Justice si Palacio bilang isa sa kaniyang mga ahente sa House of Representatives.
Iniimbestigahan na ng National Bureau of Invastigation (NBI) ang ilan sa mga nasabing operators ngunit nahihirapan din sila dahil sa kakulangan ng mga testigo.