Sa Imus, patay ang construction worker na si Joey Miday, 35-anyos, matapos siyang tambangan ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo habang nakikipag-inuman Pasong Buaya II sa Ilaya.
Nasugatan din sa nasabing pananambang ang apat na kainuman ni Miday.
Sa Imus din, binaril ng hindi pa nakikilalang suspek si Abelardo Sarreal, 70-anyos habang siya ay sakay ng kaniyang owner type jeep sa Barangay Bucandala Uno.
Si Sarreal ay sinasabing nasa drug watchlist.
Samantala, sa Bacoor naman, patay sa pamamaril ang 50-anyos na si Rosendo Bulaon habang siya ay nasa loob ng isang computer shop sa Veraville Subdivision, Barangay Dulong Bayan.
Dalawang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at kulay puting helmet ang namaril kay Bulaon na noong 2016 ay sumuko sa barangay sa ilalim ng programa para sa mga drug suspect.
Bibili sana si Bulaon ng inumin sa tindahan nang sundan siya at makailang ulit na barilin ng 2 lalaking naka-itim na jacket at puting helmet.
Idineklarang dead on the spot si Bulaon habang tumakas naman ang mga gunman sakay ng motorsiklo.
Ayon sa barangay, sumuko si Bulaon noong 2016 sa ilalim ng programa para sa mga drug suspek.
Sa General Mariano Alvarez naman, pinagbabaril hanggang mapaslang ang mag-asawang sina Ernest at Rona Jacob. Nabatid na ang mag-asawa ay galing sa Marawi at pansamantalang nagtungo sa Cavite dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Sa Rosario, Cavite, patay ang dalawang preso na kapwa nakatakas sa Rosario lock-up cell noong nakaraang linggo.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang mga pulis laban sa limang presong tumakas nang matundon ang mga dalawa sa mga pugante na sina Josefino Abad at Lindon “Dokeng” Bartolo sa Barangay Munzon II.
Nang makita ang mga otoridad ay nagpaputok ng baril at hinagisan umano ng granada nina Abad at Bartolo ang mga pulis kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok dahilan para mapatay ang mga pugante.
Nakuha sa mga pugante ang ilang armas at limang sachet ng hinihinalang shabu.
Patuloy naman ang paghahanap ng mga pulis sa tatlo pang nakatakas na preso.