Sundalo sa Marawi, ni-relieve dahil sa verbal abuse

FILE photo

Nahaharap ngayon sa mga kasong administratibo ang isang sundalo na naka-deploy sa Marawi matapos umano niyang murahin ang mga pasahero ng bus sa isang checkpoint sa Marantao, Lanao del Sur.

Sa ngayon ay ni-relieve muna sa kaniyang pwesto at kasalukuyang naka-ditine muna sa barracks ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Cpl. Marlo Lorigas habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.

Ayon kay AFP public affairs office Chief Col. Edgard Arevalo, hindi nila kukunsintehin ang anumang uri ng pang-aabuso ng mga sundalo.

Gayunman, sinabi rin ni Arevalo na posibleng nakararanas ang ilan sa mga sundalo ng “combat stress” dahil sa nagpapatuloy pa rin na gulo sa Marawi, kaya tiniyak niyang hindi rin nila pababayaan ang mga ito.

Pinagmumura umano ni Lorrigas at nagbitiw ng mga banta tungkol sa kamatayan sa mga pasahero ng bus.

Sakaling mapatunayan ito sa imbestigasyon, papatawan siya ng AFP ng karampatang parusa para sa kaniyang ginawa.

Ani Arevalo, ito ang unang kaso ng pang-aabuso ng tauhan ng AFP na naitala simula noong ideklara ang martial law sa Mindanao noong May 23.

Itinanggi naman ni Arevalo na ito na ang hudyat ng mas marami pang pang-aabuso ng mga sundalo, at iginiit na isa lang itong isolated incident.

Inabisuhan naman niya ang mga residente na agad isumbong sa kanila ang anumang uri ng pang-aabuso na gagawin ng sinuman mula sa kanilanghanay.

Mahalaga aniya sa kanila na maibigay sa kanila ang mga detalye ng mga pangyayari upang madali nila itong masiyasat.

Read more...