Suportado ng mga traffic at transport officials ang Metro Manila Eastern Multi-Modal Transport Terminal in Marikina City (MMEMMTT) na siyang inaasahang mag-aalis sa nasa mahigit 1,000 pampasaherong bus mula sa EDSA.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang pagtatayo ng terminal ay isa sa mga solusyon para lumuwag ang EDSA.
Ang naturang apat na ektaryang terminal ay matatagpuan sa road interchange na nagdudugtong sa Marcos Highway at C5 Road.
Ito ay may kakayahang mag-accommodate ng mga bus, taxi, mga jeep at mga UV Express lines.
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, ang mga bus mula timog na bahagi ng Metro Manila ay gagamit ng C5 Road, ang mga bus mula naman sa norte ay siya namang gagamit ng Katipunan Ave. at Mindanao Ave habang ang mga bus na papuntang Quezon ay dadaan naman sa Marcos Highway.
Sa kasalukuyan, ang gumagamit sa naturang terminal ay ang ilang bus companies na may biyaheng Antique, Catiklan, Iloilo, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro na nakapagtatala ng nasa 2,000 pasahero araw-araw.
Nangako naman si Tugade na kanyang pabibilisin ang accreditation permit ng naturang terminal para sa full operation.