Ayon kay Senador Chiz Escudero, chairman ng Senate committee on Banks, financial institutions and currencies, kung totoo ang mga alegasyon ni Ginang Patricia Bautista, lumilitaw na may mga regulasyon ang BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas at maging ang Anti-Money Laundering Council ang nilabag ng bangko.
Una na rito anya ang ‘Know Your Client rule’ kung saan dapat ay mayroong mga pagsusuri sa kanilang mga depositor lalo na kung ito ay maituturing na PEP o politically-exposed person tulad ni Bautista.
Paliwanag pa ni Escudero, kung totoo ang mga paratang, dapat inalam ng bangko kung saan nagmula ang pera ng idineposito ng opisyal at dapat itong Ipinaalam sa BSP o AMLC.
Giit ng senador na kahit mababa sa limandaang libong piso ang deposito pero halos araw araw naman itong ginagawa ay dapat na ipinaalam agad ito ng LDB sa BSP.
Maliban dito, nagtataka rin si Escudero kung bakit pinayagan ang higit tatlumpung bank accounts.