Pagbyahe ng mga ‘wild birds’ mula Pampanga, sinuspinde ng DENR

 

Sinuspinde na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay ng permit at pagbiyahe ng mga wild birds mula sa Pampanga at mga karatig na lalawigan.

Kasunod ito ng pasya ng Department of Agriculture (DA) na pagpatay sa may 200,000 bird species dahil sa kumpirmadong kaso ng avian flu outbreak sa Pampanga.

Sa memorandum na pinirmahan ni DENR Undersecretary for Planning, Policy and International affairs Jonas Leones, inatasan nito ang kanilang mga regional office na higpitan ang pagbabantay sa mga checkpoint, airport at seaport laban sa transportasyon ng mga wild bird species.

Ipinag-utos din ng DENR ang monitoring sa mga migratory bird site at pag-alam kung may namatay ng mga wild bird.

May direktiba na rin ang mga DENR personnel na ibigay agad sa mga kawani ng DA ang marerekober nitong patay na ibong gala bilang sample at para malaman kung infected ito ng avian flu.

Ang mga nasabing sample ay ipapadala ng Bureau of Animal Industry ng DA sa Australian Animal Health Laboratory na sertipikado ng World Health Organization for Animal Health para magsagawa ng testing.

Ang Pilipinas ay bahagi ng East Asian-Australasian Flyway na pansamantalang kanlungan ng mga migratory bird tuwing buwan ng Setyembre bago bumalik sa kanilang breeding ground.

Read more...