Nagbabala ang Commission on Human Rights (CHR) sa paggamit ng pulisya ng mga “drug boxes” at ang paglalagay ng ilang local government unit (LGU) ng “drug free home” sticker sa kanilang mga nasasakupang barangay.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na maaaring lumalabag sa Bill of Rights ng Saligang Batas ng Pilipinas at sa international law ang paraan na ito ng paghabol sa mga drug personality.
Ang pangamba ng CHR, ang mga impormasyon na makokolekta mula sa mga drug boxes ay maaring magbigay daan sa pag-aresto ng mga inosenteng indibidwal kung hindi idadaan sa beripikasyon at mga proseso ng korte.
Pwedeng naman malantad sa diskriminasyon ang mga bahay na walang drug free sticker at ikunsidera na mga drug user nang walang due process.
Bagamat suportado nila ang kampanya ng gobyerno laban sa masamang epekto ng iligal na droga sa bansa, posible aniyang makasira sa reputasyon at dangal ng isang pamilya ang mga katulad na istratehiya.
Paalala ng CHR sa mga LGU at mga alagad ng batas na dapat dapat igalang at protektahan ng pamahalaan ang dignidad ng bawat indibidwal at ang karapatang pantao ng lahat tulad ng nakasaad sa UN Code of Conduct for Law Enforcement
Officials at sa Saligang Batas ng bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ng komisyon na patuloy nilang babantayan ang mga ginagamit na paraan sa ilalim ng kampanya laban sa iligal na droga at siguruhin na walang nalalabag na karapatang pantao.