Itinaas na ng Consular Office ng Pilipinas sa Guam sa ‘Blue Alert’ ang sitwasyon kaugnay sa plano ng North Korea na maglunsad ng missile sa naturang U.S territory.
Handa naman ang bagong consular residence sa Kamuning Village na maging shelter ng mga Pinoy sa Guam, sakaling ituloy ng NoKor ang kanilang planong pag-atake.
Naka-imbak na sa basement ang mga pangunahing kakailanganin, kagaya ng tubig, pagkain, at duct tape.
Samantala, naglabas na ng mga paalala ang Office of Civil Defense ng Guam sakaling tamaan nga sila ng missile attack ng NoKor.
Kasama dito ang pagtatago sa loob ng matitibay na gusali at hindi pagtingin sa fireball na mabubuo ng paparating na missile dahil ito ay nakakabulag.
Ipinakita rin ng OCD kung paano dapat i-seal ang mga siwang sa bahay para hindi ito pasukin ng radioactive materials.
Bagaman mayroong banta ng missile attack, hinihimok ng Guam authorities ang publiko na gawin pa rin nila ang kanilang normal na gawin sa pang-araw-araw.