Dumipensa ang ilang incumbent legislators na dawit sa panibagong Pork Barrel scam na nagkakahalaga ng limang daang milyong piso.
Ayon kay YAKAP Party List Rep. Carol Jane Lopez, hindi raw siya natatakot kung tuluyang ipupursige ni Atty. Levito Baligod ang reklamo nito laban sa mga sangkot daw sa bagong Pork Barrel anomaly, dahil siguradong mapapawalang saysay ito.
Sinabi ni Lopez na nalinis na niya ang kanyang pangalan at records sa Commission on Audit o COA ukol sa pagkakagugol sa kanyang Pork Barrel noon.
Bukod dito, pineke rin daw ang mga dokumento kung saan nagamit ang kanyang pangalan.
Higit sa lahat, ani Lopez, hindi umano niya kilala ang mga taong nababanggit na naging kasabwat daw niya sa anomalya sa paggamit ng Pork Barrel.
“I had already done steps to clear myself before the COA. As much as it is Mr. Baligod’s right to pursue such a case, I am extremely confident that this will not result to fruition. I maintain my position of innocence and that can be clearly proven should it come to court. This is even the first time that I had encountered such names mentioned in the papers. I have nothing to fear. This could even be an opportunity to put a case closed stamp on my case.” pahayag ni Lopez.
Sa panig naman ni Iloilo Rep. Neil Tupas Jr., sinabi nitong walang basehan ang pagkakasama sa kanya ni Baligod sa reklamo.
Sa katunayan aniya ay siya pa ang nag-alerto noon sa COA sa pamamagitan ng serye ng mga sulat noong 2010, nang mabatid niyang pineke ang kanyang lagda para mailabas ang Pork Barrel funds niya.
Sinabi raw niya sa concerned agency na huwag ituloy ang implementasyon ng proyekto at hindi mairelease ang anumang halaga ng pera sa ilalim ng kanyang PDAF.
Bunsod nito, hindi nailabas ang pera at sa halip ay isinauli sa national treasury.
“If he included me in the complaint then it is totally without basis. The fact is I was the one who informed and alerted COA in a series of letters to them way back in 2010 when it came to my attention that my signature was being forged to facilitate release of funds from PDAF. I also asked the concerned agency to withhold implementation and withhold release of any fund under my PDAF. Hence, some of the funds that were not yet released were witheld and returned to the national treasury.” ani Tupas.