Patay ang dalawang lalaki habang 13 pa ang sugatan sa aksidenteng naganap sa A. Bonifacio Avenue sa Barangay Barangka, Marikina City.
Sangkot sa aksidente ang isang 10-wheeler truck, dalawang jeep, dalawang L300 van at motorsiklo.
Ayon kay Marikina City Councilor Frankie Ayuson, nawalan ng preno ang 10-wheeler truck habang pababa sa flyover ng Barangka galing sa bahagi ng Aurora Blvd. at Katipunan Area, at saka inararo ang iba pang mga sasakyan.
Matapos araruhin ang mga sasakyan sa harapan, sumalpok naman ang 10-wheeler truck sa poste sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue.
Sinabi ni Ayuson na bawal dumaan sa nasabing flyover ang malalaking truck kaya nagtataka siya kung bakit nakaakyat ito ng flyover.
Hindi muna ipinasapubliko ni Ayuson ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi habang hindi pa naabisuhan ang kanilang mga kaanak.
Ang mga nasugatan ay dinala sa Amang Rodriguez Hospital. Ayon kay Ayuson, sa 13 sugatan, isa ang kritikal ang kondisyon.
Naapektuhan din ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar, dahil nabarahan ng mga sangkot na sasakyan ang halos magkabilang panig ng A. Bonifacio Drive na pangunahing daanan ng mga papunta ng Cubao galing Marikina City at papasok ng Marikina City galing sa Cubao.