Pari na bihag ng Maute, ayaw iwan ang iba pang mga hostage ng Maute group

 

Kinumpirma ng mga nakatakas na hostage ng Maute terror group na buhay pa rin ang pari na si Fr. Teresito “Chito” Suganob na kasabay nilang nabihag ng mga terorista.

Nakatakas sina Rumar Marjalino, kapatid niyang si Rowel at si Jimmy Esperat na pawang mga taga-Zamboanga at si Delfin lapas na taga-Iligan City noong August 3 sa pamamagitan ng pag-langoy sa Lake Lanao patungo sa isang bangka ng Philippine Navy.

Ayon kay Rumar, huli nilang nakita si Suganob na inuutusan ng Maute na mag-tanggal ng pulbura mula sa mga paputok.

Kwento niya pa, ang mga pampasabog ay itatali sa kanilang mga bihag at kapag nagka-ipitan na ay gagamitin sila ng mga ito para pasabugan ang mga sundalo.

Ayon pa kay Marjalino, 46 na sibilyan pa ang hawak ng Maute ngayon kabilang na si Suganob, 20 kababaihan na karamihan ay mga guro, 13 na mga bata na ang pinakabata ay dalawang taong gulang, at ang mga natitirang iba pa ay puro mga lalaki na.

Aniya, tinanggap na ni Suganob ang kaniyang kapalaran na posibleng masawi na lang siya sa mga bomba ng mga jet fighters.

Sinubukan aniya nilang kumbinsehin ang pari na sumama na sa kanilang pagtakas, ngunit tumanggi ito dahil ayaw niyang iwan ang iba pang mga bihag.

Read more...