May kaugnayan ang preparasyon ng DFA sa patuloy na palitan ng mga banta ng North Korea at Amerika na nagpapainit ng tensyon sa naturang rehiyon.
Kabilang sa mga planong nakalatag ay ang paglilikas sa mga Pinoy na nasa Guam at South Korea sa pamamagitan ng mga chartered plane pabalik sa bansa.
Nanawagan rin ang DFA sa Amerika at North Korea na manatiling mahinahon upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Matatandaang noong nakaraang linggo, lalo pang tumaas ang tensyon nang sabihin ng North Korea na handa silang magbagsak ng mga ballistic nuclear missile sa Guam.
Sinagot naman ito ni US President Donald Trump sa pagsasabing makakatikim ng ‘ngitngit at apoy na hindi pa nito natitikman’ ang North Korea kung gagawin nito ang kanilang banta.
Sa kasalukuyan, may tinatayang 65,000 Pinoy ang nasa South Korea samantalang mahigit 42,000 naman nakabase sa Guam.