Dahil sa pagkakalusot ng P6.4 bilyong pisong halaga ng shabu sa isang shipment, marami na ang mga nananawagan kay Pangulong Duterte na sibakin o palitan na ang kaniyang mga opisyal sa Customs.
Ngunit sa kabila nito ay nanindigan ang pangulo sa kaniyang desisyon.
Ayon kay Duterte, namumutiktik talaga sa katiwalian ang Customs, kaya nga siya naglagay ng mga sundalong nag-aklas noong administrasyong Arroyo dahil sa pagnanais ng reporma.
Nanawagan aniya ng reporma ang mga ito noon dahil hindi na nila kaya ang pamamayagpag ng katiwalian.
Gayunman, nakalulungkot aniya na nadadamay ang pangalan ng kaniyang anak na si Vice Mayor Paolo Duterte sa isyu.
Tiniyak naman ng pangulo na oras na mapatunayang sinuman sa kaniyang mga anak ang sangkot sa korapsyon, ay magbibitiw agad siya sa pwesto.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi makikialam ang pangulo sa mga ganitong usapin, bagkus ay hahayaan nitong masunod ang proseso.