Duterte: Kung sangkot si Paolo, ibigay niyo sa’kin ang affidavit

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagsasangkot sa kaniyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa umano’y isyu ng katiwalian sa Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Pangulong Duterte, kung totoong sangkot ang kaniyang anak sa kurapsyon, ang kailangan lang ng mga nag-aakusa sa kaniya ay maglabas ng ebidensya na oral at documentary.

Aniya, mabigyan lang siya ng affidavit tungkol sa akusasyon sa kaniyang anak ay handa siyang magbitiw bilang pangulo ng bansa.

“Sabi ko, just give me an affidavit and I will step down as President of this Republic,” ani Duterte.

Dagdag ng pangulo, ito na ang kaniyang pangako sa publiko ngayon.

Kamakailan ay idinawit ng Customs broker na si Mark Taguba ang pangalan ng vice mayor bilang isa aniya sa mga umano’y opisyal ng gobyerno na tumatanggap ng “lagay” mula sa mga smugglers.

Agad naman itong itinanggi ni Paolo, bagaman sinabi rin ni Taguba na isa lang itong usap-usapan.

Dahil dito, hinamon siya ng nakababatang Duterte na maglabas ng patunay dahil ang mga pahayag aniya ni Taguba ay base lang sa sabi-sabi.

Ani pa Duterte, alam niya na maya’t mayang nadadamay ang kaniyang pangalan at ni Paolo sa mga kaguluhan sa Customs.

Pero babala ng pangulo, ang mismong pagdadawit lang sa kanilang pangalan ay isa nang paraan ng kurapsyon.

Una na ring sinabi ni Duterte na handa siyang mag-resign sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kaniyang anak.

Read more...